Team Philippines tututok na sa LA Olympics

MANILA, Philippines — Matapos ang 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan ay tututok ang Team Philippines sa pagsabak sa mas bigating 34th Olympic Games sa taong 2028 sa Los Angeles, USA.
Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino na nagsimula na ang pagpaparamdam ng mga national athletes sa nakuhang medalya sa mga Olympic events sa Aichi-Nagoya Asiad.
Kabilang na rito ang gymnastics kung saan kumuha ng dalawang gold medals si 2024 Paris Olympics double-gold winner Carlos Edriel Yulo at ang patuloy na dominasyon ni pole vaulter EJ Obiena.
“Almost all medals from Olympic sports. So ibig sabihin nu’n iyong direksyon natin papunta tayo sa LA naka-focus tayo more sa Olympic sports,” ani Tolentino.
Kumuha rin ng mga medalya ang Team Philippines sa Aichi-Nagoya Asiad sa taekwondo na sumipa ng isang gold (Jeus Gabriel Derick Yape) at dalawang silvers (Kurt Bryan Barbosa at Tachiana Mangin), habang may silver sina boxer Carlo Paalam (men’s 55kg) at archer Amaya Cojuangco (women’s Individual compound).
May mga bronzes sina tennis ace Alex Eala (women’s singles), tracksters John Cabang Tolentino (men’s 110m hurdles) at Victoria Bossong (women’s 800m run), weightlifter Albert Ian Delos Santos (men’s 70kg) at Khy Progella at Sofiah Pagara (women’s beach volleyball).
Ayon kay Tolentino, dapat ibuhos ng Philippine Sports Commission (PSC) ang solidong suporta nito para sa mga atletang sasalang sa mga Olympic qualifying tournaments sa susunod na taon.
“With these results, dapat tumutok ang PSC sa Olympic sports kasi malapit na iyong LA Olympics,” ani Tolentino. “So what are those, funding, lahat ng available (Olympic) qualifying labanan na, salihan na, huwag nang magtipid, foreign coaches. Iyon na nga iyon, exposures, iyon ang dapat tutukan kasi we’re talking of LA Olympics.”
Sa 2024 Paris Games ay nag-uwi ang Team Philippines ng dalawang golds mula kay Yulo sa men’s floor exercise at vault, habang tig-isang bronze ang sinuntok nina lady boxers Nesthy Petecio sa women’s 57kg at Aira Villegas sa women’s 50kg.
Parehong hindi umabot sa medal round sina Petecio at Villegas sa Aichi-Nagoya Asiad.
- Latest






















