Pinas naka-bronze sa ASTAF U19

MANILA, Philippines — Nakuntento sa bronze medal ang Team Philippines matapos ang 5-15, 6-15 kabiguan sa Indonesia sa boys’ doubles semifinals ng 1st ASTAF U19 Asian Sepak Takraw Championship na inihahandog ng Philippine Sports Commission kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
Bigo sina Archie Gabriel Gilva, Jerald Owen Evangelio at Julian Gamanay na mapigilan sina Mohamad Djafar at Muhammad Rohman ng Indonesia sa larong tumagal lamang ng 30 minuto.
Ipinagmalaki pa rin ni Philippine Sepak Takraw Federation Inc. president Karen Tanchanco Caballero ang kanyang tropa.
“While they were up against a tough Indonesian squad, at least they went down fighting so I am very proud of them,” sabi ni Caballero.
Nakatakdang labanan ng Indonesia ang South Korea para sa gold medal.
Sasalang naman ngayon sa aksyon sina Krysiah Mae dela Cruz, Louie Joice Solinap, Ruby Pabangon, Alyzza Solmiia, Byne Piner Angelica Ong sa pagsagupa sa Myanmar sa Group B.
- Latest

















