Yape kuminang sa virtual taekwondo event

MANILA, Philippines — Naglatag ng impresibong ratsada si Jeus Gabriel Derick Yape upang masungkit ang gintong medalya sa mixed individual virtual taekwondo sa 2026 Asian Games kahapon sa Toyohashi Gymnasium sa Nagoya, Japan.
Naitarak ni Yape ang matikas na 2-0 sweep laban kay Chau Ngoc Tuyet Sang ng Vietnam sa finals para masiguro ang ikaapat na gintong medalya ng Team Philippines sa quadrennial meet.
Naitala ni Yape ang 500-0 panalo sa unang laro kung saan nagtala ito ng 12 total kicks isang head kick at apat na blocks kumpara sa apat na kicks, dalawang head kicks at isang block ng Vietnamese bet.
Agad itong sinundan ni Yape ng 620-0 pana-naig sa ikalawang laro matapos kumunekta ng siyam na total kicks, apat na head kicks at isang block.
Nalimitahan ang Vietnam jin sa tatlong total kicks, isang head kick at dalawang blocks.
Dinomina ni Yape ang lahat ng scoring departments — total kicks (21-7), head kicks (5-3) at blocks (5-3).
Ito ang ikalawang medalya ni Yape sa Asian Games.
Nauna na itong nakasikwat ng tansong medalya sa men’s individual poomsae noong Huwebes.
Nagrehistro si Yape ng 9.0900 puntos upang makuha ang ikatlong puwesto habang nanguna si South Korean Kyusung Yun na may 9.3800 puntos at pumangalawa si Navin Pinthasute ng Thailand na may 9.2800 puntos.
May pilak naman si Juliana Mykhail Candelaria sa women’s individual poomsae tangan ang 9.1300 puntos.
Lubos ang saya ni Yape dahil nakapag-ambag ito sa koleksiyon ng gintong medalya ng Team Philippines.
Kahilera na ni Yape sa listahan ng mga gold medalists na sina Carlos Yulo ng gymnastics at EJ Obiena ng pole vault.
- Latest






















