Jimmy Alapag puwedeng Gilas assistant coach

MANILA, Philippines — Hindi lang sa PBA nakatakdang magbalik ang alamat na point guard na si Jimmy Alapag ng NLEX Road Warriors.
Kung magkakaroon ng pagkakataon ay bukas din na magbalik sa Gilas Pilipinas si Alapag bilang dagdag na assistan ni head coach Tim Cone ng Barangay Ginebra kahit pa nakalinya na silang maging magkaribal sa PBA.
“You guys all know my history with the program. The Gilas program is very close to my heart because we’ll get the opportunity on the national team to represent all of us. Everyone here at home, our kababayans abroad,” ani Alapag, isa sa 50 PBA Greatest Players.
Inamin ni Alapag na sa katunayan ay unang sumentro sa Gilas ang usapin sa kanyang homecoming sa Pinas sa gitna ng dayalogo kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Erika Dy bago mauwi sa bakanteng head coaching position sa NLEX.
Kung matutuloy, baka sa 2nd round na ng idinaraos na 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers makatulong si Alapag kay Cone at sa Gilas, kung saan siya dating naging matagal na team captain, kabilang na ang makasaysayang 2014 FIBA World Cup.
Sakto sa pag-uwi ni Alapag sa bansa na nasa Oceania naman ang Gilas upang maghanda sa huling window ng 1st round kontra sa New Zealand sa Hulyo 3 at sa Australia sa Hulyo 6.
Opisyal na itinalaga si Alapag bilang chief tactician ng Road Warriors upang humalili kay coach Jong Uichio na assistant din ni Cone sa Gilas matapos magsilbing ng assistant coach ng Stockton Kings sa NBA G-League at Sacramento Kings sa NBA noong 2021.
Sa Gilas, si Alapag ang nagtrangko sa koponan pabalik sa World Cup noong 2014 matapos ang 36 taon na naging mitsa sa tatlong sunod na World Cup appearance ng bansa.
- Latest



















