Sanchez pararangalan ng PSA

MANILA, Philippines — Naging matagumpay ang kampanya ni swimmer Kayla Sanchez sa naganap na 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre 2025.
Sapagkat umani ito ng tatlong ginto at limang pilak sa kabuuang walong medalya sa unang salang nito sa SEA Games kaya naman kasama ang 24-anyos na si Sanchez sa pararangalan sa Philippine Sportswriters Association Awards Night sa Pebrero 2 sa Diamond Hotel.
Inangklahan ng Filipino-Canadian ang Philippine Team sa pagsilo ng medalya sa 4x100meter freestyle relay kung saan ay nakasama niya sina teammates Xiandi Chua, Chloe Isleta at Heather White.
“It’s very special. I love my teammates, my whole family is here, and I really hope I made the country proud,” ani Sanchez.
Bandila muna ng Canada ang unang iwinagayway ni Sanchez kung saan ay naging two-time Olympic medalist ito sa 2020 Tokyo Games bago nagpalit ng federation noong 2023 upang bitbitin naman ang watawat ng Pilipinas sa mga international tournaments na sasalihan.
Makakasama ni Sanchez na magniningning ang gabi sa PSA Awards Night ang ibang sumilo ng medalya sa SEA Games.
Kikilalanin din sa PSA Awards Night ang naiuwing karangalan sa bansa nina golfer Miguel Tabuena at pool player Chezka Centeno.
Nangibabaw si Tabuena sa malaking golf tournament na ginanap sa Pilipinas, hinamig nito ang top prize na $360,000.
Hinablot naman ni Centeno ang korona sa larangan ng bilyar matapos magkampeon sa WPA Women’s 10-Ball sa paggupo kay Rubilen Amit sa makapigil-hiningang all-Filipino finale.
Samantala, kandidato para sa PSA- Ahtlete of the Year award sina gymnastic star Carlos Yulo at tennis darling Alex Eala.
- Latest



















