Tokong, Esquievel hari sa World Surf League

MANILA, Philippines — Pinagharian nina Pinoy surfers John Mark ‘Marama’ Tokong at Rogelio ‘Jay-r’ Esquievel Jr. ang kanilang mga dibisyon sa 2024 World Surf League-La Union International Pro sa Urbiztondo Beach.
Nagtala si Tokong ng combined total na 17.90 points para ungusan si Kian Martin ng Sweden sa men’s Shortboard Qualifying Series (QS) 3000.
Ang panalo ni Tokong ang nagtaas sa kanya sa No. 6 at hangad makalahok sa Challenger Series.
Sinapawan naman ni Esquievel si Kai Hamase ng Japan, ang kasalukuyang No. 1 seed sa Asian LQS rankings, sa men’s Longboard Qualifying Series (LQS) sa kanyang highest heat total na 18.00 points.
Nauna nang naghari si Esquievel sa 2023 La Union International Pro.
Sumosyo si Esquievel kay Jomarie Ebueza sa No. 2 sa continental LQS rankings, samantalang nanatili si Hamase sa No. 1 spot.
Ang 2024 World Surf League-La Union International Pro ay kinikilala ng Philippine Sports Commission at ng Philippine Olympic Committee.
Sunod na sasalang sina Tokong at Esquievel sa inaugural Baler Pro sa Pebrero 1-7 kung saan may nakatayang 3000 points at 1000 points sa QS at LQS division, ayon sa pagkakasunod.
- Latest





















