Cool Smashers sa PVL Semis

MANILA, Philippines — Inangkin ng nagdedepensang Creamline ang unang semifinals ticket sa Pool A habang bigo naman ang F2 Logistics na magawa ito sa Pool B.
Dinomina ng Cool Smashers ang PLDT High Speed Hitters, 25-21, 25-20, 25-21, papasok sa semis ng 2023 Premier Volleyball League Invitational Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagpakawala si Tots Carlos ng 22 points galing sa kanyang 17 attacks, tatlong aces at dalawang blocks para sa 3-0 record ng Creamline at upuan ang semis seat sa kanilang grupo.
May 11 markers si Alyssa Valdez sa kanyang ikatlong PVL game makaraan ang nangyaring knee injury noong nakalipas na taon.
Nalasap ng PLDT ang una nilang kabiguan sa dalawang laro.
Makakasama ng Cool Smashers sa semis ang mga guest teams na Kurashiki Ablaze ng Japan at Kinh Bac Bac Ninh ng Vietnam.
Sa ikalawang laro, pumalo si Grethcel Soltones ng 31 points mula sa 26 attacks, apat na blocks at isang ace para sa 20-25, 25-22, 25-12, 33-35, 15-9 pagdaig ng Petro Gazz Angels sa Cargo Movers.
Diniskaril ng Petro Gazz ang pagsikwat ng F2 sa semis berth sa Pool B para sa magkatulad nilang 3-1 baraha.
“It’s a total team effort, so malaking factor ito para sa amin to gain the momentum and gain the trust that we need,” ani coach Oliver Almadro.
Nag-ambag si Jonah Sabete ng 20 markers at may 15 at 12 points sina Aiza Pontillas at Remy Palma, ayon sa pagkakasalansan, para sa Gazz Angels.
Naglista si Majoy Baron ng 16 points sa panig ng Cargo Movers habang may 15 at 12 markers sina Ivy Lacsina at Kianna Dy, ayon sa pagkakasalansan.
Sa unang laban, humataw si Mylene Paat ng 15 points sa likod ng kanyang 10 attacks, apat na blocks at isang ace para sa 25-19, 25-20, 25-18 pagdomina ng Chery Tiggo sa Gerflor.
May tig-pitong puntos sina Czarina Carandang, Pauline Gaston at EJ Laure sa ikalawang sunod na pananalasa ng Crossovers para sa 2-1 card sa Pool A.
Ito naman ang ikalawang dikit na kamalasan ng Defenders sa dalawang laro.
- Latest

















