NCR overall champion uli sa Palaro
DAVAO CITY , Philippines — Tuluyan nang hinirang ang National Capital Region bilang overall champion isang araw bago ang opisyal na pagtiklop ng 2019 Palarong Pambansa ngayon dito.
Humakot ang mga NCR bets ng 76 gold, 66 silver at 46 bronze medals kasama ang tig-anim na gintong medalya nina swimmers Xiandi Chua at Miguel Barreto.
Maliban sa secondary girls’ 400-meter individual medley (5:08.21) ay pawang mga bagong record ang itinala ni Chua sa 200m freestyle (2:09.05), 400m freestyle relay (4:05.19), 200m breaststroke (2:43.08), 200m IM (2:23.86) at 400m medley(4:32.49).
Bumandera naman si Barreto sa secondary boys’ 400m freestyle, 200m butterfly, 400m medley, 100m butterfly, 400m relay at 1,500m freestyle.
Noong 2018 Palarong Pambansa sa Vigan, Ilocos Sur ay humakot ang mga Big City athletes ng kabuuang 100 gold, 70 silver at 50 bronze medals para hirangin bilang overall champion sa ika-14 sunod na taon.
Samantala, nanatili sa No. 2 sa medal standings ang Region IV-A sa kanilang kinolektang 51 golds, 42 silvers at 67 bronzes kasunod ang Region VI (45-29-46), Region XII (23-40-31) at Region V (23-21-28).
- Latest





















