Perlas Spikers, Gazz Angels unahan sa semis
Laro Ngayon (The Arena)
1 p.m. IEM vs Army (Men’s)
4 p.m. BanKo Perlas vs Petro Gazz (Women’s)
6:30 p.m. BaliPure vs Tacloban (Women’s)
MANILA, Philippines — Makuha ang ikatlong semis berth ang tatangkain ng BanKo Perlas at Petro Gazz sa kanilang krusyal na engkuwentro ngayong hapon sa huling araw ng Premier Volleyball League Season 2 Reinforced Conference quarterfinal round sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang duwelo ng Perlas Spikers at Gazz Angels sa alas-4 ng hapon.
“We’re feeling good because we have been winning. This is a good confidence booster coming into the game,” pahayag ni BanKo Perlas head coach Dong dela Cruz.
Pakay ng Perlas Spikers na madugtungan nito ang impresibong ratsada sa quarterfinals matapos itarak ang four-game winning run.
Kasalukuyang may 3-1 baraha ang Petro Gazz kung saan umaariba sina Ukrainian Olena Lymareva-Flink at Anastasia Trach.
Kung mananalo ang BanKo Perlas, awtomatiko itong uusad sa semis kasama ang Pocari Sweat-Air Force na may hawak na 4-1 marka.
Masisibak ang Petro Gazz na malalaglag sa 3-2.
Ang panalo naman ng Petro Gazz ang magpupuwersa sa three-way tie sa tuktok ng standing kasama ang BanKo Perlas at Pocari Sweat-Air Force tangan ang magkakatulad na 4-1 baraha..
Kung maipapanalo ng Petro Gazz ang laro ng tatlo o apat na sets lamang, pormal nitong masisikwat ang No. 3 semis berth habang maglalaban ang Perlas Spikers at Lady Warriors sa playoff para sa huling silya sa semis.
Subalit kung mananalo ang Petro Gazz ng limang sets, mapupunta ang No. 3 spot sa Perlas Spikers at maiiwan sa Gazz Angels at Lady Warriors ang salpukan sa playoff para sa No. 4 slot sa semis.
- Latest


















