MediaQuest vs Tollways sa titulo
MANILA, Philippines -Pinagharian ni Joseph Sermonia ng Team PLDT ang Executive Blitz Chess, habang sinibak ng MediaQuest at Tollways team ang PLDT at Meralco, ayon sa pagkakasunod, para itakda ang kanilang titular showdown sa basketball sa 2016 MVP Olympics kahapon.
Tinalo ni Sermonia sina Ronoel Dellota ng Meralco at Arnel Eugene Regalado ng Maynilad para sa gold medal para patibayin ang tsansa ng PLDT na maidepensa ang MVP overall championship sa kanilang bitbit na 69 points, 29 points ang agwat sa Meralco team.
Samantala, sumandal naman ang MediaQuest kina Niño Marquez, Raymond Maconocido at Lester Reyes para gibain ang PLDT, 86-70, samantalang nagbida sina ex-pros Ervin Sotto at Borgie Hermida sa 74-71 overtime win ng MPTC laban sa defending champion Meralco.
Kumamada si Marquez ng 24 points, tampok ang tatlong triples, kasunod ang 23 markers ni Maconocido na pumukol ng anim na tres.
Nagdagdag si Reyes ng 18 points, 9 rebounds at 2 assists para sa MediaQuest squad na sinusuportahan ni The Philippine STAR at Business World president Miguel Belmonte.
Pag-aagawan ngayong araw ng MediaQuest ni coach Alfred Bartolome at ng Tollways ni mentor Adonis Tierra ang ginto.
Bago ang basketball finals, kumolekta ang Tollways team ng 1 gold, 5 silver at 3 bronze medals at may 1 silver at 1 bronze naman ang MediaQuest.
Ito ang unang pagsalang ng MediaQuest, binubuo ng mga core players ng The Philippine STAR na bagong miyembro ng MVP Group of Companies.
Ang Starmen ang nagdodomina sa inter-media basketball.
- Latest