Matitikas na jins sisipa sa SMART CPJ tourney
MANILA, Philippines - Pangungunahan nina Joseph Lizardo, Kirstie Elaine Alora at Camille Manalo ang mga mahuhusay na jins na makikipag-agawan para sa puwesto sa national team sa idaraos na SMART CPJ (Carlos Palanca Jr.) taekwondo championships sa Linggo, February 5 sa Ninoy Aquino Stadium.
Ayon sa organizing chairman na si Grandmaster Sung Chon Hong, aabot sa 1,000 ang mga kalahok na magpapamalas ng kani-kanilang galing sa sparring at Poomsae competitions.
Magdaraos rin ng libreng sparring events sa senior, junior at grade school divisions, habang ang aksyon sa Poomsae ay hinati sa tatlong category-- individual, team at mixed pair na may 11 categories --grade school, junior, 1st senior A, 1st senior B, 2nd senior B, 1st Master, 2nd Master, junior pair, senior pair, 1st team at 2nd team.
Ayon pa kay Hong, gagamitin ang PSS (protector scoring system) sa senior competition.
Inihayag rin ni Hong na ang makakapasok sa Philippine team ang siyang magdadala ng bandila ng bansa sa 20th Asian taekwondo championships sa Vietnam, sa 12th World University championships sa Pochean, Korea at sa World Cup competition sa Sta. Cruz, Aruba, habang ang junior team ay magpapakita naman ng aksyon sa 9th WTF world junior championships sa Shamel Sheikh, Egypt at sa 6th Asian junior championships sa Ho Chi Minh City, Vietnam.
- Latest
- Trending