Generals pinatalsik Blazers patungo sa semis
MANILA, Philippines — Makalipas ang 17 taon, kinalsuhan ng Emilio Aguinaldo College ang matagal na paghihintay na makapasok sa Final Four matapos patalsikin ang College of Saint Benilde, 86-64, sa quarterfinals ng NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Kinapitan ng Generals si Jude Bagay patungo sa kauna-unahan nilang semifinals stint sapul ng sumali sa liga noong 2009.
“Hindi naging madali sa team namin. Nag-start kami sa 0-3 dumating sa point sa ensayo namin na nag aaway-away kami. So nagtiwala lang kami sa sistema ni coach Jerson kasi alam namin na alam niya ang gagawin,” sabi ni Bagay.
Kumolekta si Bagay ng 26 points, apat na assists at tatlong rebounds para sa Taft-based team na sadsad sa unang tatlong laro bago lumasap ng panalo.
Kinuha ng Blazers ang 44-41 halftime lead bago maiwanan sa 51-69 papasok sa fourth quarter.
Naniguro ang EAC sa payoff period para makuha ang panalo at hindi na pinadikit ang St. Benilde.
Samantala, tinuhog ng Letran ang Mapua University, 86-75, papasok sa semifinals.
Bumira si rookie Justin Cargo ng 19 points, dalawang assists at dalawang steals para akbayan ang Knights na lalabanan ang mabangis na Jose Rizal Heavy Bombers sa best-of-three series.
Tinalo ng Heavy Bombers ang Arellano Chiefs noong Lunes upang masungkit ang kanilang tiket patungong semis.
Bumakas si Chad Gammad ng 13 points para sa Letran, habang may 12 points si Jimboy Estrada.
Kumolekta si star point guard Titing Manalili ng all-around game na 11 points, walong assists, tatlong rebounds at dalawang steals.
- Latest


















