Ano gusto mo, maglasing o magkape?
Sa bawat umaga ng ordinaryong Pinoy na mula sa tsuper ng jeep na maagang bumiyahe, sa call center agent na puyat sa magdamag, hanggang sa estudyanteng pilit ginigising ang diwa para sa klase—iisa lang ang maaasahang kakampi: isang mainit na tasa ng kape.
Hindi ito luho. Hindi rin ito bisyo. Ito ay pampagising, pampainit ng sikmura, at minsan, pantawid-gutom.
Kaya naman nakakagulat, kung hindi man nakakatawa, ang lumutang na mungkahi ng kinatawan mula sa industriya ng alak na Distilled Spirits Association of the Philippines (DSAP) na buwisan ang kape imbes na dagdagan ang buwis sa alak dahil nag-iiba na raw ang hilig ng mga kabataan ngayon, partikular ang mga Gen Z, na mas pinipili na raw mag-kape kaysa uminom ng alak.
Agad itong ibinasura ni Ways and Means Chairperson Rep. Miro Quimbo, na nagsabing “dead on arrival” ang anumang panukalang buwis sa kape.
Ang alak ay pinapatawan ng mataas na buwis upang mapigilan ang labis na pagkonsumo na nakasasama sa kalusugan at nagdudulot ng aberya sa lipunan.
Ayon sa mga tax expert, dapat pang ipagdiwang kung mas pinipili ng kabataan ang kape kaysa maglasing.
Bagama’t kapansin-pansin ang mga nagmamahalang iced coffee sa mga mall, ang malaking porsyento ng kumokonsumo ng kape sa bansa ay nasa class D at E na umaasa sa murang 3-in-1 at instant coffee.
Ayon sa Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI), nasa 25% lamang ng suplay ng kape sa bansa ang galing sa lokal na produksyon.
Kasalukuyang nagsisikap ang gobyerno at mga magsasaka na palakasin ang industriya ng kape sa bansa at kung papatawan ito ng dagdag na buwis, hihina ang demand at lalong mawawalan ng gana ang mga lokal na magtatanim.
Kung naghahanap ang gobyerno ng dagdag na kita, hindi ang pagbubuwis sa pampagising ng bayan ang sagot kundi ang paghabol sa mga smuggler at pagpapahusay sa koleksyon ng taripa sa mga imported na produkto, kabilang na ang mga dayuhang kape na nakalulusot sa buwis.
- Latest















