^

PSN Opinyon

Hindi puro pangako, proteksiyon ang kailangan

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

Maganda pakinggan ang pangakong lalabanan ang karahasan laban sa kababaihan. Pero sa totoong buhay, hindi sapat ang matatamis na salita, magagandang talumpati at litrato sa mga programa. Ang kailangan ng kababaihan ay batas na may pangil, hustisya na hindi mabagal at proteksiyong hindi lang pangmayaman kundi abot hanggang sa pinakamahirap na komunidad.

Ito ang hamon sa Kamara matapos ipahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pangakong labanan ang karahasan laban sa kababaihan at mga bata. Kasabay nito, ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 11264 na magpapalawak sa saklaw ng Safe Spaces Act o batas laban sa pambabastos at sexual harassment.

Sa botong 207 pabor, dalawa ang tumutol at isa ang nag-abstain, layunin ng panukala na palakasin ang proteksiyon hindi lang sa mga lansangan, opisina at pampublikong lugar kundi pati sa mga bukirin, sakahan at baybaying komunidad. Kasama rin ang pagpapatanggal ng mga website, social media account at iba pang online content na lumalabag sa batas.

May katapat ding parusa ang mga lalabag: apat hanggang anim na taong pagkakakulong o­ ­multang hindi bababa sa P250,000, o pareho. Saklaw din ang mga dayuhan at mga opisyal o empleyado ng gobyerno na nagtataguyod o nagpapakalat ng seksista, homophobic, transphobic at mapanirang pananalita.

Pero heto ang tanong: kung may batas na, bakit marami pa ring babae ang takot magsumbong? Ilan ang nagtitiis sa pananakit dahil walang perang pangkaso? Ilan ang pinapatahimik dahil ang mismong dapat nilang takbuhan ay walang aksiyon?

Hindi lahat ng biktima ay may kakayahang lumaban sa korte. May mga babaeng takot mawalan ng trabaho, may mga inang nagtitiis para sa kanilang mga anak, at may mga kabataang pinipiling manahimik dahil sa hiya at pananakot.

Kaya tama ang panawagang repasuhin ang Anti-VAWC Law upang makita kung saan pumapalya ang pagpapatupad nito. Pero hindi dapat matapos sa exhibit, forum o press release ang laban.

Dapat may mabilis na aksiyon sa reklamo, libreng legal na tulong, ligtas na matutuluyan at tunay na pananagutan sa mga abusado.

Ang respeto sa babae ay hindi pabor na hinihingi. Karapatan iyan!

Dahil ang babaeng inaabuso ay hindi dapat sabihang magtiis. Dapat siyang tulungang lumaban!

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with