2 arestado sa pagpatay sa lalaking nakasako

MANILA, Philippines — Magkasunod na naaresto ang dalawang lalaki na kapwa suspek sa pagpatay sa isang vendor na natagpuang lumulutang sa San Juan River sa ilalim ng Lambingan Bridge, malapit sa boundary ng Quezon City at San Juan City, noong Nobyembre 19.
Unang naging misteryo ang pagkilanlan at dahilan ng pagkamatay ng lalaking nakasako na lumutang sa ilog, at kalaunan ay natukoy na si alyas “Nico,” vendor sa San Juan City, na natagpuan bandang alas-7:15 ng umaga.
Sa pagsusuri ng CCTV footages mula sa mga establisimyento at barangay, at mga nakalap na impormasyon nasundan ang galaw ng dalawang lalaki, na napanood na umaalis sa paligid ng crime scene na may dalang walang laman na sako.
Unang nadakip si alyas “Jay,” construction worker at alyas “Bito” na dinakip Huwebes ng hapon at Biyernes ng umaga. Isang alyas “Vic-vic” na kainuman nila ang tumayong testigo na nagsabing hindi siya sumali sa nais ni Bito na pagpatay.
Ayon sa San Juan City Police Station, nagtatrabaho ang mga suspek para sa isang kumpanya sa Barangay Salapan, San Juan City, at umiinom kasama ang kanilang mga kapwa manggagawa malapit sa kanilang pinagtatrabahuan bago ang insidente.
Nakita sa bangkay ang maraming saksak o tusok sa katawan, na batay sa imbestigasyon ay sinaksak ni alyas “Bito.”
- Latest


















