EDITORYAL - Kakulangan ng nurses, nakaamba
NAGBABALA ang Commission on Higher Education (CHED) na maaaring umabot sa 250,000 ang kakulangan ng nurses sa Pilipinas pagsapit ng 2030 kung magpapatuloy ang kasalukuyang trend. Noong 2025 pa lamang, tinatayang nasa 127,000 hanggang 190,000 na ang kakulangan ng nurses.
Malaking problema ito, pero hindi sapat na ang sagot ay magparami lamang ng nursing students at graduates. May mahigit isang milyong registered nurses ang bansa, ngunit tinatayang nasa 500,000 lamang ang nagtatrabaho sa Pilipinas, habang mahigit 300,000 ang nakaempleyo sa ibang bansa.
Dito dapat magsimula ang mas mahirap na tanong: bakit napakaraming Pilipinong nurse ang mas pinipiling magtrabaho sa ibang bansa o lumipat sa ibang propesyon?
Hindi makatarungang sisihin ang nurses sa paghahanap ng mas magandang oportunidad.
May pamilya rin silang binubuhay, career na gustong paunlarin, at sariling kalusugan na kailangang protektahan.
Kung mas mataas ang kita, mas maayos ang working conditions at mas malinaw ang career growth sa ibang bansa, natural lamang na marami ang aalis.
Kaya ang nursing shortage ay hindi lang problema ng edukasyon. Problema rin ito ng retention.
May mga ospital namang nagpapakitang posible itong tugunan. Halimbawa, isang ospital sa Quezon City ang nakapagpababa ng bilang ng mga nurse na umaalis sa trabaho sa pamamagitan ng mas competitive na compensation, training, career development at regular na pakikinig sa concerns ng staff.
Ipinapakita nitong may mga paraan para hikayatin ang nurses na manatili bukod sa simpleng paghiling ng loyalty.
Mahalaga ang bagong Philippine Nursing Education Roadmap. Kailangan ang mas mahusay na curriculum, faculty development at clinical preparation.
Pero kung pagkatapos nating sanayin ang mahusay na nurse ay aalis din sila dahil hindi sapat ang sahod, suporta at oportunidad dito, babalik lamang tayo sa parehong kakulangan.
Hindi natin kailangang pigilan ang nurses na mangarap sa ibang bansa. Ang kailangan ay gumawa ng sistemang sapat ang dahilan para piliin din nilang manatili.
Kung gusto nating alagaan ang mga pasyente, kailangan muna nating alagaan ang mga taong nag-aalaga sa kanila. Sa paraang ito, makatitiyak na hindi magkakaroon ng exodus ng nurses sa bansa.
- Latest















