Seguridad sa mga iskul unahin
Tamang-tama lang ang paglulunsad ngayon ng Metro Manila School Safety and Security Summit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) lalo’t tila sunud-sunod ang mga insidente ng pamamaril sa paaralan.
Hindi biro ang mga kaso ng pamamaril sa mga eskuwelahan na kinasasangkutan ng mga estudyante at menor- de-edad. Maraming kinabukasan ang nasayang. Lungkot at kabiguan sa mga magulang.
Kaya maraming magulang ang natuwa at napanatag sa paglulunsad ni NCRPO Director PBGen. Christopher Abrahano ng 1st Metro Manila School Safety and Security Summit 2026. Alam ni Abrahano ang pangangailangan ng summit sa mga magulang lalo na sa mga estudyante.
Tama nga naman si Abrahano na hindi sapat na may nakatayong pulis sa labas ng mga paaralan para masabing ligtas ang mga estudyante. Mas mahalaga ang maagap na pagkilos, mabilis na pagresponde at mahigpit na koordinasyon upang maiwasan ang anumang insidenteng maaaring maglagay sa panganib sa buhay ng mga kabataan.
Mahalagang matukoy agad ang mga posibleng banta bago pa lumala ang sitwasyon.
Kaya naman, inatasan niya ang limang police district na palakasin ang koordinasyon sa mga paaralan at tukuyin ang mga lugar na nangangailangan ng mas mahigpit na seguridad.
Dapat na suriin ng mga pulis ang mga ulat mula sa mga estudyante, guro, magulang at iba pang mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng impormasyon, kabilang ang mga nakikita sa internet, upang agad na maberipika at maaksyunan ang anumang posibleng panganib.
Bukod dito, paiigtingin ang kahandaan ng mga pulis sa pagtugon sa emergency at ang pagpapalaganap ng kaalaman sa ALICE (Alert, Lockdown, Inform, Counter, and Evacuate), na nagbibigay ng mga opsiyon sa pagharap sa sitwasyon ng aktibong banta. Mahalaga ring alam ng mga paaralan ang tamang proseso ng pag-uulat at mga hakbang na dapat gawin sa oras ng panganib.
Tama ang direksiyon ng NCRPO. Hindi dapat hintaying may mangyaring trahedya bago kumilos ang mga kinauukulan.
Ang kaligtasan ng mga estudyante ay responsibilidad ng pulisya, paaralan, magulang at komunidad. Sa usapin ng seguridad, ang maagap na paghahanda ay maaaring maging mahalagang panangga laban sa kapahamakan.
- Latest
















