EDITORYAL- ‘Health pork’

SA ilalim ng Universal Health Care Act, bawat Pilipino ay may karapatan na maka-access sa health care sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na wala anumang indorsement kahit kanino lalo na sa mga pulitiko. Walang uutangan ng loob ang mga nangangailangan ng serbisyong medical sapagkat nakasaad sa batas. Ang PhilHealth ang bahala sa gastusin ng mga Pilipino sa oras ng pagkakasakit.
Subalit nababalot ngayon ng alingasngas ang nilikhang bagong programa ng mga mambabatas na ang bawat benepisyaryo ay kailangan munang kumuha ng “guarantee letters” sa kanilang tanggapan.
Ang programa ay tinawag na Medical Assistance to Indigent and Financial Incapacitated Patients (MAIFIP). Popondohan ito ng P51.6 billion—doble sa P24.23 billion na minungkahi ng mga miyembro ng bicameral conference ng 20th Congress. Bukod sa inaprubahang pondo para sa MAIFIP, may iba pang inaprubang “soft pork” ang mga mambabatas para sa 2026 General Appropriations Bill.
Dahil sa maalingasngas na MAIFIP, nasa 72 medical groups, kabilang ang Philippine Medical Association (PMA) at Philippine College of Physicians (PCP), ang nanawagan na ibasura ito. Ayon sa grupo, lumilikha ito ng “health pork” na kontra sa Universal Health Care Act at nagdudulot ng hindi pantay-pantay na pag-access sa serbisyong pangkalusugan, na nagpapabigat sa mga ospital at mga pasyenteng indigent, sa halip na bigyang-diin ang diretsahang pondo at benepisyo sa ilalim ng PhilHealth.
Ayon sa grupo ng mga doktor, imbes na direktang benepisyo, ginagawa nitong nakadepende sa “individual discretion” ang pag-access, na tinatanggal ang mga proteksiyon para sa cost-effectiveness at equitable distribution ng benepisyo.
Ayon sa Philippine Association of Private Hospitals and Health Systems (PHAPI).
Magdudulot ito ng alalahanin sa operasyon ng mga ospital, lalo na sa charity beds, na nag-iiwan sa pasyente na magbayad ng basic rates kahit sa private rooms.
Naniniwala ang mga grupo na ang sistema ay nagiging “health pork” at hindi naaayon sa diwa ng UHC na dapat ay pantay-pantay at abot-kaya ang serbisyo para sa lahat. Hinihiling ng grupo na direktang pondo sa PhilHealth para sa mga benepisyo at ang pagpapatupad ng Zero-Balance Billing (ZBB) policy na sakop ng PhilHealth para mabawasan ang out-of-pocket expenses ng mga pasyente.
Ibasura ang MAIFIP—ang bagong “pork barrel”. Hindi ito kailangan ng mamamayan.
- Latest
















