^

PSN Opinyon

OFW: Umasenso sa ‘disiplina’ sa pera

PINOY OVERSEAS - Ramon Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Maraming overseas Filipino worker ang nagsisimula at nagpapaunlad ng negosyo sa iba’t ibang paraan. Maaaring nagsosolo sila o kasama ng kanilang pamilya o merong mga kasosyo o nagsisimula sa maliliit na negosyo hanggang sa lumaki at dumami. May mga nalulugi sa simula pero nakakabawi kinalaunan. Merong nagtatayo ng sarili nilang negosyo pagkauwi nila sa Pilipinas o nagpapatakbo ng negosyo rito habang nagtatrabaho sila sa ibang bansa.

Pero dumarami rin ang mga OFW na nagnenegosyo sa kinaroroonan nilang dayuhang bansa. Ilan sa kanila ang nagmamantini ng negosyo habang patuloy na nagtatrabaho sa pinapasukan nilang kumpanya roon o nagbibitiw sa kanilang trabaho para ganap na maasikaso ang itinayo nilang negosyo. Ang iba sa kanila, kahit nagsimula sa mababang trabaho ay nagagawang umasenso at makapagtayo ng sarili nilang negosyo. Kapupulutan ng aral ang mga kuwento ng kanilang buhay para sa ibang mga OFW o sa mga Pinoy sa Pilipinas na nais sumubok magtrabaho sa ibang bansa. Marami na rin namang mga OFW ang namumulat na hindi habang panahon na meron silang trabaho sa ibayong-dagat, kaya nararapat na meron silang ibang masasandalan sa oras ng pangangailangan lalo na kung matanda na sila, nawalan ng trabaho o kailangan nang magretiro at umuwi sa Pilipinas.

Isa sa masasabing magandang halimbawa at inspirasyon para sa ibang mga OFW si Aisha Stef Dequit, isang 42-anyos na negosyanteng Pilipinang nagmamay-ari ng iba’t ibang negosyo sa bansang United Arab Emirates. Pero hindi naging madali ang pagtahak niya tungo sa tagumpay. Sa isang artikulo sa Khaleej Times, iginiit niya na narating niya ang kinaroroonan niya ngayon dahil sa kanyang sipag, lakas ng loob, determinasyon at malakas na disiplina sa pag-iipon ng pera. Sinimulan niya ang una niyang negosyo sa pamamagitan ng perang naipon niya sa maraming taon ng pagtatrabaho niya sa UAE.

Nagmula si Aisha sa Ozamis City, Misamis Occidental dito sa Pilipinas. Noong naninirahan pa siya sa Ozamis City, meron siyang maliit na negosyong cellphone shop pero napakaliit lang ng kinikita niya rito. Isa na siyang solo parent nang panahong iyon na may dalawang anak na edad lima at tatlong taong gulang. Ipinasya niyang mangibang-bansa para siya at ang kanyang pamilya ay magkaroon ng magandang buhay. Sa edad na 28 anyos, pumunta si Aisha sa Abu Dhabi, UAE noong taong 2009. Iniwan niya sa pangangalaga ng kanyang mga magulang ang kanyang mga anak.

Una siyang naging staff ng isang travel agency sa Abu Dhabi pero umalis din agad siya rito nang makapasok siya bilang waitress sa isang seafood restaurant.  Bilang serbidora, nagsimula siya sa buwanang suweldo na Dh1,600 (pera sa UAE na ang katumbas nga-yon sa Philippine peso ay halos P25,000). “Pero ang plano ko sa simula pa lang ay makapagnegosyo balang araw. Kaya, mula sa sahod ko, nag-iipon ako ng Dh300 buwan-buwan. Pagkatapos ng isang taon, meron  na akong Dh3,600 sa bank account ko,” sabi niya sa Ingles sa Khaleej Times.

Batid niya na mahaba at matagal na proseso ang paglikom ng puhunan para sa isang negosyo. Pero hindi siya nawalan ng pananampalataya at batid niya na ang tuloy-tuloy niyang pagtatabi at pag-iipon ng ilang bahagi  ng kanyang sinusuweldo ay magkakabunga pagdating ng araw. Kinalaunan, nakapagtrabaho siya bilang sales staff sa isang kumpanya ng pabango na mas mataas ang suweldo.  Nadagdagan ang kanyang kinikita at ang kanyang naiipon na umaabot na sa Dh800 buwan-buwan.

Noong 2014, nakahanap siya ng trabaho sa ibang kumpanya bilang travel agent. Sumasahod lang siya ng Dh2,000 pero kumikita siya ng ave-rage na Dh1,500 komisyon na iniipon niya kada buwan. Bandang 2016, nakipag-partner siya sa isang Pakistani travel agent para magtrabaho bilang mga sub-contractor ng isang travel company. Pagkaraan ng ilang taon, ipinasya ni Aisha na magsolo at itinayo niya ang sarili niyang kumpana noong 2019. Sa pamamagitan ng perang naipon niya mula sa kanyang sinusuweldo sa nagdaang mga taon, nasimulan niyang maitayo ang una niyang kumpanya na pinangalanang Mangrove Travel and Tourism. Wala siyang outside investor. Personal na naipon niyang pera ang ginamit niya. Dahil dito, ayon kay Aisha, mas malaki ang kontrol niya sa kanyang negosyo.

“Napakadisiplinado ko sa pagtatabi ng pera mula sa sinasahod ko. Hindi ako nagwawaldas sa mga material na bagay.  Sino mang ganito ang gagawin ay makakaipon ng puhunang pangnegosyo balang araw,” sabi pa ni Aisha.

Sa kasalukuyan, me-ron nang tatlong sangay sa UAE ang Mangrove Travel and Tourism.  Noon ding 2019, itinayo niya ang isa pang kumpanya na Oro Pinoy Cleaning Services in 2019. Noong 2022 ay itinayo niya ang mga kumpanya niyang Mangrove Flower Arrangement at Mangrove Summit Event and Management.  Isa rin siyang distributor ng beauty and cosmetic products. Suportado siya ng asawa niyang Emirati na siyang nagbinyag ng pangalang “Mangrove” sa kanyang mga negosyo.

Pero sa kabila ng kanyang mga tagumpay, hindi nakakaligtaan ni Aisha ang tumulong sa kanyang mga kababayan. Kabilang siya sa mga nagbibigay ng material na suporta sa mga gipit na OFW lalo na noong kasagsagan ng pandemya ng Covid-19. Ayon sa Khaleej Times, ginawaran si Aisha ng parangal na Filipino Influencers Award noong nakaraang taon.

  * * * * * * * * * * *

Email – [email protected]  

vuukle comment

OFW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with