^

PSN Opinyon

Pamaskong dula sa plaza, kapilya

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

MGA piling bayan na lang sa Luzon at Visayas isinasadula sa publiko ang Kapanganakan ni Hesukristo. Kaya dinadayo to ng mga videographers, iskolar ng panitikan, at turista. Nakapanood ako nito sa Pakil, Laguna.

Engrandeng palabas ang Kapanganakan. Nagsisimula sa plaza at nagwawakas sa patio ng simbahan o kapilya. Dalawang oras kasama ang mga awit ng koro, tugtog ng banda at pagtula ng mga karakter.

Pinipili ng Comite de Festejos ang mga gaganap na Maria at Jose, Elizabeth, Herodes, Tatlong Hari, mga pastores at anghel. Maraming araw ang ensayo, kasama ang koro at banda.

Sa Bisperas ng Pasko magsisimula ang Kapanganakan­ sa pag-anunsyo ni San Gabriel kay Maria na siya ang ma­giging ina ng Diyos. Kasunod ang pagdalaw ni Maria sa buntis na pinsang Elizabeth.

Tapos ang nabuntis na ring Maria ay isasakay ni Jose sa buriko patungong Bethlehem. Hihinto sila sa tatlong bahay na may balkon, kalimitan nasa tabing plaza. Patula­ silang makikiusap na patuluyin para magpalipas ng gabi. Patula rin silang itataboy ng maybahay.

Lalakad sila patungong simbahan kung saan may ekse­nang sabsaban. Isisilang si Hesukristo habang uma­awit ang mga anghel. Sa gilid ipakikitang nililinlang ni Herodes ang Tatlong Hari. Pero matatagpuan pa rin nila at ng mga pastores ang Banal na Sanggol.

Taimtim ang mga manonood. Abala naman sa pag­ha­hanapbuhay ang mga nagtitinda ng mais, prutas, ice candy. Malalim na ang gabi kaya inaantok na ang mga bata.

Biglang masisiraan ng bait si Herodes. Ipapapatay ang mga bagong silang. Hahabulin ng mga sundalo niya ang mga bata sa plaza. Maghihiyawan ang mga ito, lulundag sa balikat ng mga ama o magtatago sa saya ng mga ina. Lahat maligayang sasalubong sa Pasko.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

vuukle comment

PASKO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with