EDITORYAL — Pakinggan ng LTFRB ang transport group
NGAYONG araw na ito matatapos ang tatlong araw na tigil pasada ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON). Nag-strike sila noong Lunes. Ang masamang balita, isang transport group ang magwewelga ngayon na tatagal ng tatlong araw. Ayon sa transport group na MANIBELA magsasagawa sila ng tatlong araw na tigil pasada upang ipanawagan sa pamahalaan na ipagpaliban ang deadline ng PUV Modernization Program inlistment deadline na magtatapos sa Disyembre 31, 2023. Hindi umano kakayanin ng operators at drayber ng jeepney ang pagsali sa kooperatiba na isa sa requirements ng PUV Modernization. Kailangan umano ng sapat na panahon para rito.
Ayon naman kay PISTON President Mody Floranda, hindi sila tutol sa modernization program kundi ang nais nila ay ayusin ng gobyerno ang public transportation upang magkaroon ng sariling industriya. Ayon kay Floranda, sa ilalim ng modernisasyon, ang makikinabang ay ang mga bansa na nagma-manufacture ng mga minibus na gaya ng China at Japan. Dahil iimportahin ang mga minibus, ang mamamatay ay ang mga lokal na kompanya na gumagawa ng sasakyan. Ayon kay Floranda, maraming Pilipino ang magugutom sa kasalukuyang ipinatutupad na jeepney modernization. Sa halip na ang makinabang ay lokal na manufacturer, dayuhang kompanya ang kikita. Ayon pa sa lider ng transport group, mahal ang mga unit ng minibus na hindi kakayanin ng PUV operators.
Bagama’t dalawang transport groups na ang nagtitigil pasada, mayroon namang grupo gaya ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na hindi sila sasama sa tigil pasada alam nilang ang commuters ang mahihirapan. Nakikisimpatiya umano sila sa mga kapwa drayber ngunit ipinasya nilang huwag sumama sa mga ito.
Nagbabala naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga lalahok sa tigil-pasada na mahaharap sila sa suspensiyon ng kanilang prankisa. Ipagpapatuloy umano ang nakatakdang PUV modernization dahil ilang beses na rin itong naipagpaliban dahil na rin sa pakiusap ng transport groups.
Nararapat na pakinggan pa ng LTFRB ang hinaing ng operators at drivers para ipagpaliban ang deadline at magbigay muli ng panibagong extension. Timbangin ng LTFRB ang mga bagay-bagay ukol sa PUV modernization at baka may magagawa pang paraan para hindi mahirapan ang drivers at operators ng jeepney. Mag-usap at magharap-harap para makahanap ng solusyon sa problema.
- Latest