Saklolo!
Magpapasaklolo na ang ating military sa ibang bansa kaugnay ng walang puknat na pandarahas ng China sa mga Pilipinong mandaragat sa West Philippine Sea. Hindi lang mga mangingisda ang tinatakot ng China kundi pati ang ating military vessels.
Ang pinakahuling kaso ay ang pagbangga ng China Coast Guard sa ating mga barko na maghahatid lang ng supply sa mga tauhang nakatalaga sa BRP Sierra Madre. Napakaliit na parang kutong puwedeng tirisin ang paningin ng China sa Pilipinas. Paano, wala tayong kapabilidad na labanan sila. Makaluma at paurong ang ating military kumpara sa mga sandata ng China, para lamang itong mga sumpit at tirador.
Ano na ang nangyari sa Bases Conversion Act na nilagdaan ni Presidente Cory Aquino matapos lisanin ng mga Kano ang kanilang mga base militar? Ang layunin ng batas ay isapribado at gawing business enterprises ang mga dating military bases ng U.S., upang ang kikitain ay gagamitin sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Hanggang ngayon, umaasa lang ang militar sa mga pinaglumaang kagamitan na donasyon mula sa ibang bansa gaya ng U.S. Obviously parang nakalimutan na ang main objective ng Bases Conversion Authority na tustusan ang mga gastusin ng AFP upang ito ay gawing makabago. Wika nga, para makasabay sa ibang bansang umaasenso na ang kapabilidad para makipaglaban.
Ang China ay isang halimaw na nais manakop ng ibang teritoryo at natural na ang uunahin ay ang mga mahihina. Kitang-kita ng China ang ating kahinan. Kaya ang tanging option natin, humingi ng saklolo sa mga malalakas na bansa.
- Latest