Happy New Year!
MAMAYANG gabi tiyak na umaatikabong putukan ang magaganap sa maraming sulok ng Pilipinas maliban sa Davao City. Tradisyon na ito na sa tuwing sasapit ang Bagong Taon ay nagpapaputok para maalis ang kamalasan at maitaboy ang masamang espiritu. Subalit ang ilan sa atin ay hindi kuntento sa maliliit na paputok kaya kahit na may kamahalan at ipinagbabawal ay bumibili pa rin. Madalas na sa ospital humahantong at ang sisishin ay ang kapabayaan ng pulisya.
Milyon na naman ang gagastusin ng pamahalaan sa mga gamot para sa mga mapuputukan kaya todo-todo ang paalala at pananakot ni DOH Sec. Enrique Ona sa mamamayan upang makaiwas sa gastusin. Hindi pa ba tayo nadadala na sa tuwing sasapit ang bagong taon ay sandamakmak na sunog ang nangyayari dahil sa hindi disiplinang pagpapaputok? Maraming daliri at kamay na ang pinutol ng mga doctor matapos masabugan dahil sa katigasan ng ulo na ang karamihan sa napapahamak ay mga inosenteng kabataan.
Hindi nagkulang sa paalaala si PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome at NCRPO chief Dir. Alan Purisima sa mamamayan. Ngunit sadyang matigas talaga ang ulo ng mga kababayan. Kung sabagay may ilang pulis rin kasi ang may pasimuno ng pagkalat ng mga bawal na pa-putok, katulad na lamang sa nangyaring barilan sa North Fairview, Quezon City noong Huwebes. Napatay ang isang pulis QC na nakilalang si PO2 Bernardo Quintero at sugatan naman ang kasamang si PO2 Jessie Adajar nang pagbabarilin ng grupo ni PO1 Faisal Mala.
Pag-aari umano ni Mala ang tindahan ng paputok kaya umalma ito sa paninita ng mga pulis. Tiyak na mahuhubaran ng uniporme si Mala sa mga darating na araw dahil ang pinatay ay kapwa nila pulis na tumutugon lamang sa sinumpaang tungkulin. Calling PNP chief Bartolome, kailangan pa ba ang mahabang proseso sa pagkamatay ni Quintero? Samantala dalawang tao ang iniulat na tinamaan ng ligaw na bala sa Bgy. Payatas, QC noong Huwebes din. Ewan ko kung mamayang gabi ay ilan ang mabibiktima ng mga makakati sa gatilyo. Dapat tuluyan nang ipagbawal ang paggamit ng paputok tuwing bagong taon dahil kadalasan isinasabay ng mga ito ang pagpapaputok ng baril sa ere upang hindi mahalata ang kanilang kabulastugan. Kung sa Davao City nagawang i-total ban ni Dating mayor Rodrigo Duterte ang pagpaputok bakit hindi magawa ni President Aquino sa buong bansa? Panahon na upang kumilos si P-Noy at Bartolome laban sa nakatutulig at magastos na pagpapaputok tuwing bagong taon. Mga suki, mag-ingat po kayo sa paputok upang maging masaya ang pagsalubong sa 2012.
- Latest
- Trending