Unang taon ng bagyong 'Ondoy'
KAMI ng aking anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada at ng buong pamilya Estrada ay nakikiisa sa paggunita sa unang taon nang hindi malilimutang pananalasa ng bagyong “Ondoy”.
Ang bagyo ay nanalasa noong Setyembre 26, 2009 at nagdulot ng grabeng pinsala sa ating mga kababayan at lipunan. Daan-daan sa nasabing trahedya, kung saan ay libong iba pa ang nasaktan, nawasak ang bahay, nasira ang mga gamit at kabuhayan, at dumanas ng matinding paghihirap at di-malilimutang pakikipaglaban sa hagupit ng bagyo at ng idinulot nitong mga pagbaha, landslide at mahabang oras ng brownout.
Base sa datos ay mahigit 21,000 ektarya ng kalupaan ng Metro Manila ang lumubog sa baha noong araw na iyon, kung saan ay umabot ng hanggang 20 talampakan o mahigit pa ang lalim ng tubig-baha sa maraming lugar sa Kamaynilaan. Hanggang ngayon, marami pa rin sa mga nasalanta ang hindi nakababawi mula sa trahedyang sinapit nila.
Maraming leksiyon ang dapat nating matutunan sa pangyayaring iyon. Nariyan siyempre ang kinakailangan talagang pagmamahal at pangangalaga natin sa kalikasan, gayundin ang ating pagiging laging handa, laluna ng pamahalaan at lahat ng mga otoridad, sa mga bagyo at iba pang kalamidad.
Nakatataba naman ng puso na isipin na sa gitna ng trahedyang iyon ay marami rin sa ating mga kababayan ang naging bayani at tumulong o kaya ay direktang nagligtas sa mga nabiktima ng trahedya.
Si Jinggoy ay naghain noon ng Senate Resolution numbers 1389 at 1390 na nagbigay ng papuri sa ilan sa mga bayaning ito tulad nina Army Private First Class Venancio Ancheta at Corporal Adriano Regua, at sibilyang si Muelmar Magallanes, na hindi inalintana ang panganib sa kanilang sarili sa pagtulong sa mga biktima.
Muli, nawa ay isaisip, isapuso at isabuhay natin ang leksiyon na iniwan sa atin ng bagyong “Ondoy”. Irespeto, mahalin at pangalagaan natin ang kalikasan.
- Latest
- Trending