Delaying tactics sa VP Sara trial, tututulan ng prosecution panel

MANILA, Philippines — Naghahanda ang House prosecution panel na tutulan ang anumang karagdagang pagpapaliban sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos umanong mabuo ang pattern ng paulit-ulit na paghiling ng depensa na baguhin ang iskedyul ng pagdinig.
Ayon kay House prosecution panel spokesperson Atty. Jay Tolosa Jr., nakababahala ang mga hirit ng depensa dahil maaari nitong maantala ang target na pagtatapos ng paglilitis at paglalabas ng hatol bago ang Disyembre 18.
“I think at this point we will have to vehemently object already dahil nagiging malinaw ang pattern,” ani Tolosa sa News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City nitong Sabado.
Kinuwestiyon din niya ang pagkansela ng mga pagdinig noong Nobyembre 26 at 27 matapos sabihin ng depensa na hindi makadadalo ang kanilang mga testigo, ngunit hindi naman tinukoy kung sinu-sino ang mga ito.
Nagpahayag din si Tolosa ng pangamba dahil dalawa pa lamang ang testigong inihayag ng depensa sa kabila ng apat na araw na pagdinig na nakatakda mula Disyembre 1 hanggang 4.
Matatandaang hiniling ni defense lead counsel Atty. Sheila Sison ang pagpapaliban ng mga pagdinig noong Nobyembre 26 at 27, na kalaunan ay pinagbigyan ng Senate impeachment court.
Samantala, hiniling naman ni prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua kay Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na limitahan ang mga dagdag na postponement at huwag hayaang maantala ang takbo ng paglilitis.
Aniya, hindi inaasahang mauubos ng depensa ang buong 30 trial dates na inilaan para sa isang article of impeachment lamang.
- Latest




















