Walang ebidensiya vs Romualdez sa budget insertions, kickbacks — Ombudsman prosecutor
MANILA, Philippines — Inamin ng isang prosecutor ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na walang direktang ebidensiya o dokumentong nagpapatunay na inutusan ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na magsagawa ng budget insertions o maningil ng kickbacks mula sa mga proyekto ng gobyerno.
Sa cross-examination, kinumpirma ni Assistant Special Prosecutor II Joshua Ang Tan na walang contractor o tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagturo kay Romualdez bilang tumanggap ng komisyon. Sa halip, si Co ang direktang iniugnay sa pagpasok ng mga proyekto sa budget at umano’y paniningil ng porsiyento. Si Co rin ang nakipagtransaksyon kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na hindi naman nagbanggit kay Romualdez sa kanyang salaysay.
Inamin din ni Tan na hindi kinapanayam ng investigating panel si Co, habang walang nakitang pagmamay-ari o direktang interes si Romualdez sa mga ari-ariang nasa 14 Narra at 30 Tamarind at sa mga kumpanyang Golden Pheasant at Brightnews Corporation.
- Latest

















