NCRPO: Pangangaroling ng mga bata sa kalye, sasakyan bawal
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month at papalapit na Pasko, asahan nang makikitang nakakalat ang mga pulis sa lansangan anumang oras kasunod ng pagpapaigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ng kanilang pagbabantay sa mga batang nangangaroling sa mga kalsada at mga sasakyan.
Nabatid na inatasan ni NCRPO chief PBGen. Christopher Abrahano ang lahat ng police units sa Metro Manila na bantayan ang mga batang nangangaroling at nanghihingi sa mga abalang kalsada at intersection.
Bagamat tradisyon ang caroling, binigyang-diin ni Abrahano na hindi dapat hayaang lumapit ang mga bata sa mga tumatakbong sasakyan, sumingit sa trapiko, o tumayo sa pagitan ng mga kotse.
Inatasan ang mga pulis na mahinahong ilayo ang mga bata sa panganib, huwag takutin o hiyain, at alamin kung sila ay kusang nangangaroling o biktima ng kapabayaan, pang-aabuso, o pagsasamantala. Ang mga nangangailangan ng tulong ay i-refer sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o sa local social welfare office.
Pinaalalahanan din ang mga magulang na ilayo ang mga bata sa mga mapanganib na lugar, habang makikipagtulungan ang pulisya sa LGU, barangay, at traffic enforcers para sa preventive patrols.
- Latest















