Binatilyo binoga sa ulo, todas!
MANILA, Philippines — Isang binatilyo ang patay nang barilin sa ulo ng isang siga sa Sampaloc, Maynila kamakalawa ng gabi.
Hindi na pinangalanan ang 14-anyos na biktima na residente ng Sampaloc, Maynila habang pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspek na inilarawang siga sa kanilang lugar at nasa edad 30 hanggang 40.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa Lacson Avenue sa Sampaloc.
Makikita sa kuha ng CCTV camera sa lugar na bago ang pamamaril ay nakatayo lamang ang biktima sa center island, kasama ang ilang kaibigan na pawang menor-de-edad. Maya-maya ay lumapit na ang gunman sa biktima at bigla itong binaril, saka tumakbo palayo sa lugar.
Kaagad namang isinakay ng mga testigo sa tricycle ang biktima upang dalhin sa ospital ngunit binawian din ng buhay dahil sa tama ng bala sa ulo.
Ayon sa ama ng biktima, siga sa kanilang lugar ang suspek. Maaari aniyang napagtripan lang nito ang anak kaya binaril.
Patuloy naman nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad para maaresto ang suspek at mapanagot sa kaso.
- Latest


















