Government exec planong painan ng 5 babae
‘Talent manager at bugaw’ timbog
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano planong pagpain ng limang babae ng isang “talent manager na bugaw” sa isang mataas na opisyal ng administrasyong Marcos.
Ito’y kasunod ng pagkaka-aresto noong Martes sa talent manager na tumanggap ng P500,000 marked-money, sa isinagawang entrapment operation, sa isang 5-star hotel sa Maynila, at pagsagip sa limang babae, ayon sa eksklusibong ulat ng GMA News.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na miyembro ang suspek ng grupo na sangkot umano sa sex trafficking ng mga babae at lalaki sa mga parukyano na kinabibilangan ng mga pulitiko, mga negosyante at miyembro ng uniformed services.
Sa isinagawang forensic examination sa cellphone ng suspek, natuklasan na may pakikipag-usap ang naarestong bugaw na planong i-set-up ang kilalang mataas na opisyal ng gobyerno, at ang grupo ay may kontak sa mga maimpluwensyang tao at pulitiko.
“Lumabas itong grupong ’to, meron palang kumakausap na malalaking tao, malalaking mga politiko para mag-set up, mag-frame-up ng kilalang opisyal ng administrasyon para palabasin na itong opisyal na ito ay kanilang parukyano, kanilang customer,” ani Matibag.
Hindi pa ibinunyag ni Matibag kung sino ang tinatarget ng grupo na bigyan ng babae at palabasin na parukyano.
- Latest






















