Huwag kaming gawing basurahan ng Metro Manila
San Mateo Mayor pumalag
MANILA, Philippines — Pinalagan ni San Mateo, Rizal Mayor Bartolome “Omie “Rivera Jr. ang planong gawing tambakan ng basura ng 17 lungsod sa Metro Manila ang mga landfill sa kanilang bayan.
“Ah, nalaman ko lamang nung lumabas yung news script nung binanggit ni Mayor Isko (Moreno) na dadalhin daw sa San Mateo Landfill ang kanilang basura at ng lahat ng bumubuo ng Metro Manila, dun ko lang nalaman,” anang alkalde na may tono ng hinanakit na sinabing bilang kurtesiya ay dapat itong ipaalam muna sa kaniya.
“Nakakalungkot at nakakadismaya, ayaw natin na dadalhan tayo ng kadami-daming basura at saka syempre inaalala ko rin eh pagrespeto na ipagbigay-alam sa bayan na dadalhan mo, may plano kang ganyan. ‘Di ba malinaw nga sa local government code, ‘di ba yung mayroon prior consultation lalo na dun sa environment, sa ecological balance,” giit ni Rivera.
Sinabi ni Rivera na nagpadala na siya ng liham sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na hinihiling kung ano ang legal nitong basehan at kung ito ay napagusapang mabuti ng Metro Manila Waste board, at iba pang concerned tulad ng traffic congestion gayundin sa panganib sa pedestrian.
Sa mga motorista, bukod pa sa amoy na may dalang mikrobyo na maidudulot, anong schedule ng pagdadala, mga hakbang at mga kaakibat na peligro sa kalusugan.
“Bakit San Mateo ang pagdadalhan ng lahat ng basura sa Metro Manila, ‘di naman dapat kami ang gawing basurahan ng Metro Manila,” ayon pa sa alkalde matapos namang magsimula ng magtambak ng basura sa kanilang lugar noong Agosto 27.
- Latest















