2 sunog sumiklab sa Quezon City, Taguig

MANILA, Philippines — Sumiklab kahapon ng umaga ang dalawang sunog sa isang residential area sa Quezon City at Taguig City.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), sa Quezon City, nagsimula ang sunog alas-5 ng umaga nitong Linggo (August 10) sa isang bahay sa Dioquino Compound sa Barangay Dioquino Zobel sa Project 4, malapit sa 20th Avenue.
Batay sa pahayag ng isang residente, natutulog siya sa ikalawang palapag nang makalanghap siya ng usok at sa kaniyang pagbaba ay nakita niya ang apoy na lumalaki na.
Agad umano niyang ginising ang kanyang mga magulang saka mabilis silang lumabas sa nasusunog na bahay.
Eksaktong paglabas nila ay gumuho ang ikalawang palapag ng bahay na gawa sa kahoy kung saan isa sa mga residente ang nagtamo ng paso sa kamay.
Sinabi ng BFP na nakontrol ang sunog alas-5:04 ng umaga, at idineklara ang fire out alas-5:24 ng umaga.
Samantala, sa Taguig City, sumiklab ang sunog alas-6:52 ng umaga sa isang bahay sa Barangay Calzada-Tipas.
Itinaas sa unang alarma ang sunog na naapuala agad dakong alas-7:24 ng umaga.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi ng sunog.
- Latest

















