Pinas nanawagan ng kooperasyon sa ASEAN vs illegal trade

MANILA, Philippines — Nanawagan ang mga opisyal ng Pilipinas para sa kooperasyon sa ASEAN na labanan ang lumalalang banta ng iligal na kalakalan o illicit trade.
Ayon sa mga eksperto, ang mga bukas na hangganan ng ASEAN, hindi pantay na kapasidad sa pagpapatupad ng batas at magkakaibang regulasyon ay nagpapahina sa rehiyon laban sa mga iligal na operasyon.
Ang briefing na “Combatting Illicit Trade in Southeast Asia,” ay idinaos ng Financial Times sa Shangri-La The Fort, Manila, sa Taguig City kung saan sinabi ni DILG Undersecretary for peace and order Nestor Sanares, na ang iligal na kalakalan ay banta hindi lamang sa ekonomiya, kundi maging sa kaligtasan at kapakanan ng mga tao.
Sinabi ni Sanares na sa Pilipinas, ang matibay na koordinasyon sa pagitan ng Philippine National Police (PNP), National Intelligence Coordinating Agency at mga lokal na barangay ay nagsisilbing early warning system.
Binigyan diin naman ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr. na ang sama-samang pagsisikap ng mga ahensiya ng gobyerno at ng publiko ang siyang magtatakda kung magpapatuloy ang iligal na kalakalan.
Ani Lumagui, sa nakalipas na dalawang taon, nagtatag ang BIR ng mga multi-agency task forces, tulad ng Illicit Trade Task Force, na pinagsama-sama ang mga kinatawan mula sa Bureau of Customs, PNP, National Bureau of Investigation, at iba pang mahahalagang katuwang para sa coordinated at intelligence-driven na operasyon.
- Latest

















