2 Vietnamese dinakma sa Makati
Pekeng aesthetic doctors
MANILA, Philippines — Laglag sa entrapment operation ng mga tauhan ng Makati City Police ang isang babae at isang lalaking Vietnamese dahil sa kawalan ng lisensya at iba pang dokumento sa pagsasagawa ng beauty enhancement sa Makati City nitong Huwebes.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD) Director PBGen. Randy Arceo sina alyas “Van”, 36 at alyas “Thi” , 36, ng Brgy. Poblacion, Makati ay nasakote sa beauty clinic sa Salamanca St., Brgy Poblacion nitong Agosto 7 sa aktong nagsasagawa ng “botox injections” at “dermal filler applications”.
Ang nasabing aesthetic procedures ay iligal dahil sa kawalan ng lisensya na mag-praktis ng medisina sa Pilipinas, kaya isinagawa ang entrapment ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU), kasama rin ang DID, SWAT, DMFB at Makati City Police Station.
Nasamsam sa klinika ang mga ebidensya ng kahun-kahon ng mga vials ng Botulax at Botox, iba’t ibang mesotherapy solutions at fillers, syringes at microcannula needles at mga surgical supplies, anesthesia, medical tools, official receipts at client forms, sales invoices.
- Latest

















