Bahagi ng Marikina market, isinara
Vendor nasawi sa COVID
MANILA, Philippines — Isinara ang ilang bahagi ng Marikina market matapos pumanaw ang isang vendor na may sintomas ng COVID-19.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro, agad niyang iniutos na pansamantalang isara ang wet section ng Marikina City Public Market makaraang makarating sa kanya ang impormasyon na nasawi ang isang 72-taong gulang na vendor na nakitaan ng sintomas ng COVID-19.
Sinabi ni Teodoro, agad na isinailalim sa decontamination ang palengke upang mawala ang virus sa lugar.
Nagsasagawa na rin ng contact-tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng vendor para agad maisailalim sa examination ang mga na-expose sa pumanaw na vendor.
Nananatili namang bukas ang ibang bahagi ng palengke gaya ng dry goods section at mahigpit na ipinatutupad ang strict social distancing.
Patuloy na nananawagan si Teodoro sa mga mamamayan ng Marikina City na manatili sa kanilang mga bahay dahil ang kinakaharap na ‘giyera’ ay hindi nakikita ang kalaban.
- Latest

















