Killer ng lady prosecutor ng Ombudsman, timbog

MANILA, Philippines — Nagsilbing susi ang Closed Circuit Television Camera (CCTV) sa pagkaaresto sa suspect na responsable sa pamamaslang sa 5-buwang buntis na Assistant Special Prosecutor ng Ombudsman na pinagsasaksak, kamakalawa sa Quezon City .
Sa press briefing , sinabi ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde na ang suspect ay nasakote ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na ituro ng mga testigo o ilang oras matapos na pagsasaksakin ang biktimang si Assistant Special Prosecutor Atty. Madonna Joy Ednaco-Tanyag, 32, dakong alas -11:20 ng umaga sa Visayas Avenue, Brgy. Vasra sa lungsod.
“The suspect was identified thorough a review of the CCTV recordings near the crime scene “, ani Albayalde, kung saan ang suspect na nakasuot ng kulay itim na t-shirt, kulay asul na jersey short at ball cap ay nakitang tumatakbo sa pagtakas sa lugar. Samantalang ang tattoo nito sa magkabilang braso ay nagmatch din sa paglalarawan ng testigo.
Bandang alas-5:45 ng hapon, ayon sa opisyal nang masakote ang suspect na kinilalang si Angelito Avenido Jr., alyas Moymoy, 31, jeepney barker, tubong General Santos City sa hot pursuit operation sa Desire compound, Palayang Dulo, Brgy. Culiat ng nabanggit na siyudad.
“ He was a problem child at matagal ng lulong sa droga talagang problema sa pamilya, taga-General Santos City, in fact nung maaresto siya ay katatapos lamang bumatak”, ani Albayalde.
Nakumpiska mula sa suspect ang dalawang identification cards na pag-aari ng biktima, dalawang coin purse, isa rito ay may mga susi, siyam na P1,000 bills at isang OPPO mobile cellphone.
Inihayag naman ni NCRPO Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar na bukod sa CCTV na ebidensya laban sa suspect ay inamin mismo ng testigong si Rogelio Dairo na nagtapat sa kaniya ang suspect na pinaslang niya sa saksak si Atty. Tanyag.
Nabatid na kadadalo lamang ng biktima sa paglilitis sa Sandiganbayan ng pansamantala itong huminto sa Visayas Avenue para bumili ng milk tea at pasakay na sa kaniyang behikulo nang daluhungin ng saksak ng suspect na bangag sa droga . Ang suspect ay miyembro rin ng ‘Bukas kotse gang’, ayon pa sa mga opisyal.
“She was a chance victim, ang nakikita natin ditong motive is robbery”, anang opisyal kung saan nagtamo ng tatlong malalalim na saksak ang biktima na binawian ng buhay matapos na isugod sa East Avenue Medical Center.
- Latest





















