Babae timbog ng NBI sa investment scam
MANILA, Philippines — Arestado ang isang babae na hinihinalang investment scammer sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) kasunod ng reklamong ginagamit ang isang pekeng Notice of Award (NoA) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), iniulat nitong Biyernes.
Ayon sa NBI-Special Action Unit (SAU), ang suspek na si alyas “Yhang” ay nadakip sa loob ng isang tanggapan ng gobyerno sa Zen Tower Building sa Ermita, Maynila, matapos tumanggap ng entrapment money mula sa mga undercover agents na nagpanggap na mga interesadong investor.
Nagsimula ang operasyon matapos ang isang sumbong hinggil sa isang NoA na ginagamit ng suspek upang ilegal na makalikom ng mga high-yield investment mula sa publiko.
Sa beripikasyon, naglabas ng sertipikasyon ang DSWD-National Capital Region (NCR), na peke ang NoA at walang rekord sa kanilang procurement.
Modus ng suspek gamit ang Facebook group na manghikayat ng investor na may 10% balik o kita sa Welfare Employees Multipurpose Cooperative (WEMC). Nakakuha umano ng malalaking kontrata mula sa DSWD-NCR ang kooperatiba at ang NoA ay nakapangalan sa kanya.
Nasilo ang suspek nang makipagkita sa undercover agent na nagkunwaring interesadong mag-invest.
- Latest






















