HVI dakma sa P1 milyong shabu sa CR ng resto
MANILA, Philippines — Nasamsam ang mahigit P1-milyong halaga ng shabu sa isang bagong natukoy na high-value individual (HVI) drug pusher sa isinagawang buy-bust operation, sa loob ng comfort room on palikuran ng isang fast food restaurant, sa Parañaque City noong Biyernes ng hapon.
Ang suspek na si alyas “Jo,” 21-anyos, lalaki, jobless, at residente ng Barangay San Dionisio, Parañaque ay isinailalim na sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), dakong alas 3:40 ng hapon ng Nobyembre 27 sa isang fast food chain sa Quirino Avenue, Barangay San Dionisio, nang isagawa ang operasyon ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU-SPD), sa pakikipag-ugnayan sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City Police Station.
Tinatayang may Standard Drug Price (SDP) na P1,020,000 ang halaga ng 150 gramo ng shabu ang nakumpiska kasama ang buy-bust money at iba pang ebidensya.
- Latest



















