VP Sara posibleng maging ‘surprise witness’

Prosekusyon, handa sa cross-exam
MANILA, Philippines — Nakahanda na umano ang prosecution panel ng Kamara na i-cross-examine si Vice President Sara Duterte sakaling bigla itong humarap bilang surprise witness sa nagpapatuloy na impeachment trial laban sa kanya sa susunod na linggo.
Ito ang sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua nitong Sabado matapos ihayag ng defense panel na dalawang testigo lamang ang kanilang ihaharap sa loob ng apat na araw na paglilitis ng impeachment court mula Disyembre 1 hanggang 4.
“Mayroon silang surprise witness in the person of the respondent, the Honorable Vice President,” ani Chua sa News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Ayon kay Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, isa lamang ito sa tatlong posibleng senaryo na maaaring mangyari sa susunod na mga pagdinig.
“At kung sakali naman po na uupo ang ating bise presidente bilang testigo ng defense, nakahanda po kami na i-cross siya. Mayroon na rin pong naka-assign na abogado para sa ating bise presidente,” dagdag niya.
Sinabi ni Chua na maaari ring humiling ng panibagong postponement ang depensa o kaya naman ay tuluyan nang tapusin ang presentasyon nito matapos maiharap ang dalawang nakalistang testigo.
Sa ngayon, nakatakdang tumestigo sina Customs Deputy Commissioner Agaton Teodoro Uvero at Dr. Lourdes Tingson-Lebosada, dating kasosyo sa negosyo ng mister ni VP Sara na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Inaasahang tatalakayin ng dalawang testigo ang mga usaping may kaugnayan sa Cale88 Foods Corp., na isa sa mga negosyong sinusuri sa impeachment trial.
- Latest






















