Nxled target bonus sa PVL all-filipino semis

MANILA, Philippines — Ang pagdikit sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa semifinals ang puntirya ng Nxled sa pagsagupa sa Creamline sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Haharapin ng Chameleons ang Cool Smashers ngayong alas-6 ng gabi, habang sa ala-1 ng hapon magkikita ang Akari Chargers at talsik nang ZUS Coffee Thunderbelles sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ang Nxled (6-0) at Farm Fresh (5-2) ang kumuha ng dalawang semis berth na hangad din ng Creamline (4-2), PLDT (4-3), Choco Mucho (4-3) at Akari (3-4), habang talsik na ang Capital1 Solar Energy (2-5), ZUS Coffee (1-5) at Galeries Tower (1-6).
Winalis ng Chameleons ang Chargers, 27-25, 25-22, 26-24, para makuha ang unang semis spot at may tsansang masikwat ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ bonus sa semifinals.
“I really think that the only way to play at our best is to prepare for all the games the way we have done in the last four or five months, trying to win every single game,” ani Italian coach Etorre Guidetti.
Muling aasahan ni Guidetti sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips katuwang sina Myla Pablo, Jackie Acuña, Lyann De Guzman, EJ Carino, setter Gel Cayuna at libero Bangs Pineda.
Laglag naman ang Cool Smashers sa dalawang sunod na kamalasan matapos matalo sa High Speed Hitters at Flying Titans.
Sina Jema Galanza, Alyssa Valdez, Tots Carlos, Michele Gumabao, Bea De Leon, Pangs Panaga, setter Jia De Guzman at libero Jen Nierva.
“Iyong team din, nagko-commit sa mga importanteng puntos, so ayun ‘yung kailangan talaga naming ma-work out, especially ‘yung mga susunod naming games,” wika ni Galanza sa kanilang two-game losing skid.
Sa semifinals, ang No. 1 at No. 2 teams ang magkakaroon ng bonus laban sa No. 4 at No. 3 squads, ayon sa pagkakasunod.
- Latest
























