Mga menor-de-edad bawal na sa socmed
MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Senado nitong Huwebes, Oktubre 8, ang ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na maghihigpit sa paggamit ng social media ng mga batang wala pang 18 taong gulang.
Layunin ng Senate Bill No. 2424, o ang “Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act,” na higpitan ang paggamit ng mga menor-de-edad o mga wala pang 18 taong gulang sa mga high-risk digital service katulad ng Meta Platforms, Roblox, at Gorebox.
Sa botong 16-1-0, pinasa ng mataas na kapulungan ang Senate Bill No. 2424 o ang Child Online Safety and Protection Act na ini-sponsor ni Sen. Robinhood Padilla.
Isinulong ito ng Senado upang protektahan ang mga bata mula sa pisikal, mental, social, at emosyonal na pinsala na maaaring idulot ng paggamit ng social media platforms.
Kapag naging batas, hindi na papayagang mag-register, mag-access, gumamit, mag-maintain, mag-operate, o gumawa ng account ang mga edad 18 pababa sa anumang age-restricted social media platform.
Kailangan sumunod ang mga international social media platforms na tumatakbo sa Pilipinas. Dapat silang magtalaga ng representative sa bansa at makipagtulungan sa mga otoridad ng Pilipinas sa pagpapatupad ng batas.
Ang mga high-risk digital service na lalabag ay maaaring pagmultahin ng P5 milyon hanggang P20 milyon sa bawat paglabag. Ang mga magulang o guardian na lalabag naman ay maaaring pagmultahin ng P5,000 hanggang P20,000 o pag-utusang mag-community service.
Hindi saklaw ng mga probisyong ito ang electronic mail services, private messaging services, online gaming services na hindi pangunahing ginagamit para sa social networking, educational platforms, news services, at professional collaboration services.
- Latest
















