^

Punto Mo

‘Baha sa baba, bilyon sa papel’

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

Sa Candaba, Pampanga, hindi lang tubig ang tumataas. Pati galit at tanong ng mga taong sawa nang mabasa, mawalan ng gamit, at paulit-ulit na magsimula pagkatapos ng baha.

Labing-apat na residente ang humingi ng imbestigasyon sa National Bureau of Investigation tungkol sa umano’y iregularidad sa P1.4 bilyong flood control projects sa kanilang bayan.

Bilyon iyon.  Pero sa baba, sa kalsada, ang nakikita ng tao ay baha.

Ayon sa reklamong inihain, may mga kumpanyang nakakuha umano ng bilyun-bilyong halaga ng kontrata ng gobyerno mula 2022 hanggang 2025. May iniulat ding P753.3 milyong paglipat ng pera mula sa isang kompanya patungo sa isa pa na nais siyasatin ng mga nagreklamo.

May mga tanong din tungkol sa pagmamay-ari at koneksiyon ng mga kumpanyang nabanggit.

At habang nagbibilangan ng milyon at bilyon sa mga dokumento, ang ordinaryong tao naman ay nagbibilang ng araw kung kailan sila muling makakabalik sa normal na buhay.

Sa Bulacan, may mga kalsadang hindi pa rin madaanan. Sa ilang barangay, umaabot sa anim na talampakan ang baha. Bangka ang naging sasakyan. Evacuation center ang naging tahanan. Libo-libong pamilya ang patuloy na apektado.

Ganito ba talaga dapat ang buhay kapag may flood control project?  May proyekto, may bilyon, pero nasaan ang proteksiyon?

Hindi naman humihingi ng palasyo ang mga binabaha. Hindi sila naghahanap ng milagro. Ang gusto lang nila ay kalsadang madaanan, bahay na hindi papasukin ng baha, at gobyernong mararamdaman kapag kailangan nila.

Kaya kapag may alegasyon ng iregularidad, huwag sanang mabalewala ang tanong.  Siyasatin.  Ipakita ang dokumento.  Ilabas ang katotohanan.  Kung malinis, walang dapat katakutan.

Pero kung may pera ng bayan na napunta sa maling bulsa, hindi dapat tubig lang ang umaagos dapat may managot.

Dahil habang ang ilan ay maaaring nakatingin sa mga numero sa papel, ang masa ay nakatingin sa tubig na umaabot sa dibdib.

At kapag ang baha ang mas mabilis dumating jaysa solusyon, may mali.

Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang opinyon batay sa mga impormasyong ibinigay at mga alegasyong nakasaad sa reklamo. Hindi nito ipinapahayag na napatunayang may sala ang sinumang tao o kompanya. Ang lahat ng alegasyon ay dapat sumailalim sa patas, masinsinan at wastong imbestigasyon ng mga kinauukulang awtoridad.

FLOOD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with