DILG pabor sa conditional amnesty sa may-ari ng loose firearms
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na pabor siya sa pagbibigay ng conditional amnesty sa mga may-ari ng loose firearms bilang hakbang para mabawasan ang mga hindi rehistradong baril na kumakalat sa mga komunidad.
Sa ilalim ng panukala, kailangang isuko ang mga baril at sasailalim ang mga ito sa pagsusuri ng mga awtoridad upang matukoy kung ginamit sa anumang krimen. Ayon kay Remulla, maaaring makatulong ito upang matukoy at maalis sa sirkulasyon ang mga armas na maaaring gamitin sa krimen.
Kasabay nito, hinimok ni Remulla ang Kongreso na amyendahan o muling pag-aralan ang Republic Act 8294, na nagbaba sa parusa sa ilegal na pag-iingat ng baril at maaaring piyansahan.
Nais din ng kalihim na gawing non-bailable offense ang ilegal na pag-iingat ng baril at patawan ng hanggang 20 taong pagkakakulong ang lalabag, lalo na dahil patuloy umanong ginagamit ang loose firearms sa mga insidente ng pamamaril.
Sinabi ni Remulla na patuloy na nakakapasok ang mga loose firearms sa mga komunidad sa pamamagitan ng lokal na paggawa ng armas at ilegal na pag-aangkat sa mga lugar na mahina ang seguridad sa mga baybayin.
Inilahad ni Remulla ang mga panukala sa deliberasyon ng Senate Committee on Finance sa panukalang 2027 budget ng DILG, kasunod ng kanyang panawagan para sa mas mahigpit na hakbang laban sa loose firearms at ilegal na pag-iingat ng baril.
- Latest



















