Ang manugang na ‘Puti”
SA unang impresyon ay masarap magkaroon ng manugang na foreigner. May chance kang manirahan sa kanilang bansa. Pero ang totoo, hindi ito laging masarap…mas madalas ay pait ang idinudulot nito sa mga biyenang Pinoy. Minsan ay nanalo sa casino ang isang Pinoy na lola na naninirahan sa Australia kaya pinagbibigyan ang mga apo ng balato. Ang apong binigyan ng balato ay apo niya sa bunsong anak na ang asawa ay Pinoy. Dito siya nakikitira. Ang lolang ito ay dating nakikitira sa bahay ng anak na panganay na may mister na Australian. Napatalsik ang lola sa bahay dahil pinalayas siya ng manugang na Australian.
Nabalitaan ng mga apong may tatay na Australian na nanalo sa casino ang kanilang lola kaya humingi ang mga ito ng balato. Kaso hindi pa nakakalimutan ng lola ang pagpapalayas sa kanya ng manugang na Australian kaya sinabi nitong naubos na ang kanyang pera kahit ang totoo’y may pera pa siya. Nakahalata ang ina ng mga batang hindi binigyan ng balato.
“Inay, bakit mo pinagdadamutan ang mga anak ko?”
Nakisumbat na rin ang manugang na Australyano. Ipinaalala nito na kaya siya nakatuntong sa Australia ay dahil siya ang nagpetisyon sa mga ito kaya it’s unfair daw na pagdamutan nito ang kanyang mga anak. Palibhasa ay nag-aral din naman at tapos ng kolehiyo si Lola, wala itong katakot-takot na nakipagbardagulan ng English sa manugang. Sagot niya sa sumbat nito: Hindi ka magkakaasawa ng matino at edukadang babaeng Pinay kung hindi dahil sa akin na magaling magpalaki ng kanyang anak! Ikaw nga hindi nakatapos ng kolehiyo kaya mas malaki ang kinikita ng anak ko kaysa iyo!
Isang buwan pagkatapos ng away, ipinasya ng lolang umuwi sa Pilipinas at isinumpang hindi na babalik sa Australia sukdulang mawalan siya ng dolyares na pensiyon. May dolyares ka nga, lagi naman itong isusumbat sa iyo. Buti na lang marami siyang naipon.
- Latest




















