12 stations ng MRT-7 target maging operational sa Hunyo 2027
MANILA, Philippines — Target ng Department of Transportation (DOTr) na maging operational at mabuksan na sa publiko ang 12 istasyon ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7), pagsapit ng Hunyo 2027.
Mismong si DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Lopez ang nagkumpirma na ang naturang 12 istasyon mula Sacred Heart hanggang Quezon North Avenue Joint Station ay on track na maging operational hanggang sa ikalawang bahagi ng 2027.
Ang natitira pa namang dalawang istasyon ay inaasahang makukumpleto at mabubuksan sa publiko sa taong 2028. Ito ay kinabibilangan ng Tala at San Jose, Del Monte Stations.
Nabatid na ang MRT-7, na may habang 22-kilometro, ay kokonekta sa MRT-3, mula Epifanio de los Santos Avenue (EDSA).
Mayroon itong daily average ridership na 500,000, sa common station, at inaasahang magdaragdag pa ng ridership sa iba pang linya ng tren na iuugnay dito.
- Latest




















