Tiniyawat sa araw ng date
Dear Dr. Love,
Magandang araw po. Ako po si Jane, 19 years old. Gusto ko lang pong ibahagi ang kakaiba at medyo nakakahiya kong karanasan noong una akong makipag-date sa lalaking matagal ko nang crush.
Sobrang pinaghandaan ko po ang araw na iyon. Nagpaganda ako, bumili ng bagong damit at nag-ayos ng husto para maging espesyal ang aming first date. Pero hindi ko inaasahan na ilang araw bago ang aming pagkikita ay bigla akong tinubuan ng maraming pimples sa mukha. Halos hindi ko na makilala ang sarili ko sa salamin dahil sa rami ng mga ito.
Noong magkita kami, todo iwas ako sa maliwanag na lugar at panay ang hawak ko sa mukha. Nahihiya akong tumingin ng diretso sa kanya dahil baka mapansin niya ang mga pimples ko. Mabuti na lang at mabait siya at hindi naman nagpakita ng anumang pangungutya. Pero ako mismo ang hindi mapakali at pakiramdam ko ay hindi ako maganda sa paningin niya.
Pag-uwi ko, paulit-ulit kong iniisip kung napansin ba niya ang itsura ko at kung magkakaroon pa ba kami ng second date. Natatakot akong baka nawala ang interes niya dahil hindi ako naging presentable noong una kaming magkita.
Dr. Love, dapat ko po bang sabihin sa kanya ang insecurity ko o hayaan ko na lang? Paano ko po maibabalik ang tiwala ko sa sarili?
Jane
Dear Jane,
Tandaan mo na ang tunay na kagandahan ay hindi nasusukat sa kinis ng mukha o kawalan ng pimples. Normal lamang ang pagkakaroon nito, lalo na sa iyong edad. Huwag mong hayaang sirain ng ilang taghiyawat ang iyong kumpiyansa sa sarili.
Kung talagang interesado sa iyo ang binata, hindi magiging hadlang ang pansamantalang pagbabago sa iyong hitsura. Mas mahalaga ang iyong personalidad, pakikitungo at pagiging totoo sa sarili.
Huwag mong unahan ng paghusga ang taong hindi naman nanghusga sa iyo. Bigyan mo siya ng pagkakataong makilala ka nang higit pa. At higit sa lahat, matutong mahalin ang sarili kahit sa mga araw na hindi ka satisfied sa iyong itsura.
Tandaan mo Jane, hindi kailangang maging flawless ang mukha para maging karapat-dapat mahalin.
DR. LOVE
- Latest
















