Walang feelings para sa bf
Dear Dr. Love,
Ako po ay may boyfriend, pero hindi ko siya mahal dahil mas mahal ko po ang aking dating boyfriend na kababata ko rin. Hanggang ngayon ay may komunikasyon pa kami. Alam ko na itong present boyfriend ko ay talagang love ako, hindi ko po talaga magawang iba-ling sa kanya ang damdamin na ibinibigay ko sa aking first love.
Ano po ba ang dapat kong gawin?
Merry
Dear Merry,
Kung malinaw na hindi mo siya mahal, huwag mong pilitin. Ang pagmamahal ay hindi puwedeng ipilit, at unfair sa kanya kung patuloy kang mananatili sa relasyon na walang feelings para sa kanya.
Masakit man, pero mas mabuti na sabihin mo na sa kanya ang totoo kaysa patuloy siyang maniwala sa isang relasyong huwad.
Ang katapatan ay pagrespeto rin sa kanya. Alam kong hindi ‘yan madaling gawin.
Pero dapat mong palayin ang iyong sarili at ang boyfriend mo sa commitment na hindi naman talaga totoo.
Dahil sa isang relasyon, mahalaga na pareho ninyong pinahahalagahan ang bawat isa. Lokohan lang kung isa lang ang nagmamahal.
Kung kailangan mong maging single muna para malinawan ang isip at damdamin, gawin mo.
Ang kalayaan ay nagbibigay ng puwang para makapagdesisyon ka ng tama. Ang patuloy na komunikasyon sa first love habang nasa relasyon ka ay magdudulot lang ng gulo.
Piliin mo kung saan ka tatayo, at huwag mong hayaang parehong lalaki ang masaktan.
Dr. Love
- Latest





















