Triple-double ni Galanza gumiba sa Foxies

MANILA, Philippines — Nalampasan ng Creamline ang mapanganib na Farm Fresh, 25-18, 24-26, 25-22, 23-25, 15-4, para makahakbang papalapit sa finals spot ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kumolekta si Jema Galanza ng triple-double na 26 points, 18 receptions at 11 digs para sa 3-0 record ng Cool Smashers.
Nagdagdag si 6-foot-5 middle blocker Jaja Santiago-Minowa ng 17 points tampok ang tatlong blocks sa fifth set, habang may tig-12 markers sina Alyssa Valdez at Tots Carlos para sa 11-time PVL champions.
“Sobrang lesson sa amin ‘yung nangyari and blessing din kasi na-experience namin ‘yung talagang very close na game,” sabi ni coach Sherwin Meneses.
Laglag sa 1-2 baraha ang Foxies na nakahugot kay Ces Molina ng 27 points at 17 dig, samantalang may tig-19 markers sina Trisha Tubu at Royse Tubino.
Mula sa 1-2 agwat sa laro ay nakatabla ang Farm Fresh sa fourth set, 25-23, sa likod nina Molina, Tubu, Tubino at Ara Galang.
Ngunit pagdating sa fifth ay tuluyan nang nagdomina ang Creamline sa pamumuno nina Galanza at Santiago-Minowa para hatawin ang 10-1 abante.
Ganap nang makukuha ng Cool Smashers ang finals berth kung mananalo sa guest team EST Cola ngayong alas-6:30 ng gabi.
“Playing with the right mindset is of utmost importance. It’s the crucial stage kaya kailangan maka-recover in terms of body and mind, and rest,” ani Galanza.
Sa ikalawang laro, sinapawan ng guest team Ho Chi Minh ng Vietnam ang nagdedepensang PLDT, 28-26, 19-25, 25-21, 25-16, para sa kanilang unang panalo sa tatlong laro.
Pumalo si Thi Kim Thanh Dang ng 19 points para sa 1-2 marka ng mga Vietnamese, habang may 18 at tig-14 markers sina Thi Bich Diep Ho, Thi My Xuyen Le at Thi Nung Dao, ayon sa pagkakasunod.
Tumipa si setter Nguyen Thi Hoai Mi ng 23 excellent sets para banderahan ang opensa ng mga Vietnamese spikers.
Laglag ang High Speed Hitters sa ikalawang dikit na kabiguan para sa 1-2 baraha.
- Latest






















