Arrest warrant vs VP Sara ‘wag muna - lawyers

MANILA, Philippines — Hiniling ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa hukuman na ipagpaliban ang posibleng paglalabas nito ng arrest warrant laban sa Bise Presidente. Ito’y habang nagdedesisyon pa anila ang hukuman kung mayroon itong awtoridad upang dinggin ang kasong grave threats na isinampa laban sa Ikalawang Pangulo.
Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, ang kahilingan ay ginawa nila bilang bahagi ng motion to quash na inihain nila sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) nitong Huwebes dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon.
Sinabi ni Lim na, ang pag-iisyu ng arrest warrant ay paggiit ng awtoridad na kinukwestiyon ng kanilang kampo.
“For the court to issue a warrant of arrest, it needs to have jurisdiction,” giit pa ng abogado.
Nauna rito, may mga ispekulasyon na maaaring isyuhan ng hukuman ng warrant of arrest si VP Sara, kaugnay sa tatlong bilang ng grave threats na inihain laban sa kanya ng Department of Justice.
Siniguro naman ng abogado na ikinukonsidera nila ang lahat ng opsiyon, sakaling hindi pagbigyan ng hukuman ang kanilang mosyon.
Nag-ugat ang kaso sa isang online press conference noong Nobyembre 2024 kung saan sinabi ni VP Sara na may kinausap na siyang tao na papatay kina Pang. Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez, sakaling may mangyari sa kanya.
“No joke. No joke,” aniya pa. Isa rin ang naturang pahayag ni VP Sara sa mga ginamit na basehan upang masampahan siya ng impeachment complaint.
Samantala, nais din ng kampo ng Bise na magkaroon ng oral argument sa kanilang inihaing motion to quash.
- Latest
























