F2 at Petron itatakda ang Finals series
MANILA, Philippines — Sisimulan ng nag-dedepensa at top seed na F2 Logistics ang kanilang asam na ikalawang sunod na finals appearance sa pagharap sa 2016 champion na Foton sa Game One ng best-of-three semifinal series nila para sa 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Haharapin ng Cargo Movers ang Tornadoes ngayong alas-7 ng gabi, habang magtatagpo ang Petron Blaze at Cocolife Asset Managers sa alas-4:15 ng hapon sa isa pang semis match.
Kapwa hangad ng F2 Logistics at Petron ang isa na namang finals showdown makaraang tumapos na may parehong 9-1 marka sa eliminasyon.
Matapos patalsikin ng De La Salle Lady Spikers ang National University Lady Bulldogs sa UAAP ay inaasahan din na maglalaro na si 6-foot-5 Jaja Santiago para sa Foton kasama ang kanyang kapatid at team captain na si Dindin Santiago-Manabat at sina Maika Ortiz at Gyselle Sy.
Kaya inaasahang ibang Foton team ang matutunghayan sa paglalaro din nina Diana Carlos at Isa Molde at imports Elizabeth Wendel at Channon Thompson ng Trinidad and Tobago.
“We’re facing a well-oiled machine. But still, F2 has some lapses so need to take advantage of those lapses. We are ready to triple our effort if we have to. The important thing is to show that we are hungrier than them and we want it more,” sabi ni Foton coach Rommel Abella.
Itatapat naman ni coach Arnold Laniog ng Cargo Movers sina imports Maria Jose Perez at Kennedy Bryan at mga locals na sina Aby Maraño, Kim Fajardo at skipper Cha Cruz.
Sa ibang laro, sasandal ang Petron kina imports Lindsay Stalzer at Katherine Bell na siyang pumalit sa na-injured na si Hillary Hurley at mga locals na sina Aiza Maizo-Pontillas, Frances Molina at Mika Reyes laban kina Serbian imports Sara Klisura, Marta Drpa at mga locals na sina Mary Jean Balse at Cristina Salak ng Cocolife.
“She’s a good communicator who loves to motivate her teammates. I hope she can help us reach our ultimate goal, which is to win the title,” sabi ni Petron coach Shaq Delos Santos kay Bell.
- Latest



















