‘Enjoy lang kahit sinisiraan’
Tanong: May naninira na ba sa’yo? Ang sakit, diba? Hindi ka nag-iisa. Nararanasan ko rin ‘yan.
Ilang beses na ba tayo siniraan?
Sa trabaho, sa pamilya, pati sa mga naturingang kaibigan at, lalo na ngayon, sa social media.
Isang maling salita, isang maling post, isang maling hinala — ayan, sira na agad ang pangalan mo.
Pero teka. Kung titigil tayo sa bawat paninira, hindi na tayo makakagalaw. Kaya ang sagot ng pananampalataya ay ito: Enjoy lang kahit sinisiraan.
Bakit? Kasi hindi bago ito. Si Jesus mismo ay siniraan. Lahat ng kabutihan at pagtulong ginawa na N’ya. Nagpakain ng libu-libo, pinagaling ang mga may sakit at pinalayas ang masasamang espiritu.
“Sinasapian siya ni Beelzebul,” sabi nila. Marcos 3:22.
“Matakaw siya at lasenggo.” Mateo 11:19.
“Nilalapastangan niya ang Diyos!” Mateo 26:65.
Sa psychology, ang tawag d’yan ay character assasination.
Kung ang Anak ng Diyos na walang ginawa kundi magmahal at magsakripisyo ay hindi nakaligtas sa paninira, tayo pa kaya?
Ang paninira ay hindi palatandaan na mali ka. Madalas, palatandaan iyon na gumagalaw ka, na nakakaapekto ka, na may liwanag kang dala na ayaw ng dilim.
Kaya ano ang gagawin?
Una, huwag patulan ng galit. Ang apoy na sinasabuyan mo ng gasolina, lalong lalaki. Tumahimik, panalangin, at trabaho pa rin.
Pangalawa, tandaan: “Ang naniniwala sa mga sabi-sabi, ay walang tiwala sa sarili.” Ibig sabihin, ang taong madaling maniwala sa tsismis, siya mismo ang walang laman sa puso. Kaawaan, hindi away ang isukli mo.
Pangatlo, magpahinga sa Diyos. Sabi ni San Pedro: “Nang siya’y insultuhin, hindi siya gumanti; nang siya’y pahirapan, hindi siya nagbanta. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa Diyos na humahatol nang makatarungan.” 1 Pedro 2:33
Kapatid, hindi natin kontrolado ang bibig ng iba. Pero kontrolado natin ang ating puso at ang ating paggalaw.
Kaya enjoy lang kahit sinisiraan.
Magpatuloy sa paggawa ng mabuti.
Magpatuloy sa pag-ibig.
Sa huli, ang totoo ang mananaig. At ang Diyos na nakakakita ng lihim, Siya rin ang magtatanggol sa atin.
Tulad ni Jesus, hindi tayo susuko. Ngumiti lang, at magpatuloy.
Enjoy lang! Pinagpapala ng Dios ang mga mapagpakumbaba.
Bendisyunan po kayo ng Poong Maykapal!
Kita-kits po ulit tayo bukas, Linggo, sa isa pang “Enjoy Lang!”
- Latest















